Kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na magpapadala sila ng mga sundalo para sa gaganaping ASEAN Summit na nakatakda sa susunod na buwan.
Sa panayam kay Año, kanyang sinabi na ilan sa mga sundalo na idineploy sa Marawi ay kanila nang pinull-out at pinabalik na sa kanilang mga mother units.
Ilan sa mga units na sundalo sa Marawi ay ide-deploy din para magbigay seguridad sa ASEAN Summit.
Tiniyak naman ng hepe ng hukbong sandatahan ang kanilang suporta sa PNP para sa pagbibigay seguridad para sa 21 heads of states kasama na ang ilang mga VIPs.
Ang PNP pa rin ang siyang nasa frontline ng seguridad habang ang AFP ay supporting role lamang.
Inihayag din ng opisyal na unti-unti na rin nilang ibabalik ang mga units na kanilang kinuha sa Visayas at Luzon.
Pagtitiyak naman ni Año na may mga sundalo pa ring maiiwan sa Marawi.
Sa ngayon ay bumabalik na sa normal ang sitwasyon sa Marawi, at wala na ring naitalang mga labanan ngayong araw.
“We have actually sent off units also going out of Marawi, nag-deploy tayo in preparation sa ASEAN Summit leaders this coming November,” pahayag pa ni Año.
Hindi naman masabi ni Año kung anong mga units ng militar ang kanilang ide-deploy para sa nasabing malaking pagtitipon.