Walang plano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na dagdagan ang pwersa sa Palawan kasunod sa napaulat na planong terroristic activities ng teroristang grupo.
Lalo na sa inilabas na travel advisory ng U.S. Embassy na pinagbawalan muna ang kanilang mga kababayan na bumiyahe sa Palawan.
Plano raw kasi ng bandidong ASG na magsagawa ng kidnapping activities sa lugar.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo na sapat ang pwersa ng Western Command para tugunan ang nasabing problema.
Pero aminado si Arevalo na magpapatupad sila ng mga panibagong techniques, tactics at procedures para tugunan kung ano man ang plano ng teroristang grupo.
Tiniyak naman ng militar na hindi magtatagumpay ang anumang masamang balakin ng teroristang grupo.
Sinabi ni Arevalo na wala silang namomonitor na banta ng terorismo sa Palawan pero hindi aniya ibig sabihin nito na babalewalain lamang nila ang nasabing impormasyon.
Katunayan ginagawa na anya nila ang lahat ng hakbang na makapipigil sa anumang uri ng panggugulo bagamat hindi magdadagdag ng tauhan sa palawan ang militar.
Pinakakalma naman ng AFP ang mga Palaweño at hinikayat na maging mapagmasid at isumbong agad sa mga otoridad ang mga mapapansing kahinahinala sa kanilang lugar.