Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magpapatupad ng adjustment ang militar sa kanilang mga tropa sa Mindanao kasunod sa nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng militar at teroristang Maute.
Tumanggi namang idetalye ng kalihim ang gagawing troop adjustment dahil operational matters na ito.
Ngayong umaga inaasahan ang pagdating sa Marawi City ng reinforcement na mga sundalo na magmumula sa area ng 1st Infantry Division.
Pagtiyak ni Lorenzana, kayang tugunan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sitwasyon ngayon sa Marawi at hindi kailangan ng tulong ng ibang bansa.
Batay sa ulat na natanggap ni Lorenzana, kaniyang kinumpirma na tatlo ang patay sa panig ng gobyerno isang pulis na nakilalang si S/Insp. Freddie Solar, dalawang sundalo habang 12 ang sugatan.
Aminado rin ang kalihim na nabigla ang mga tropa ng makasagupa ang nasa 100 mga armadong fighters na nagbibigay seguridad kay ASG leader Isnilon Hapilon na nagpapagamot ng kaniyang sugat sa nasabing lugar.
Ibinunyag din ng kalihim na maraming sympathizers ang Maute sa Marawi City kung kaya’t malayang nakakapasok sa lugar ang mga terorista na hindi nalalaman ng militar dahil ang mga ito ay nagpapanggap na mga sibilyan.
Nalaman na lamang ng militar ang presensiya ng mga nasabing mga terorista ng matukoy ang lokasyon ni Hapilon na target sana nilang arestuhin.
Bago pa man makalapit ang mga tropa kay Hapilon pinaulanan na sila ng bala ng mga armadong grupo.
Itinanggi naman ng kalihim na nagkaroon ng lapses sa intelligence ng militar.
Giit nito na “appreciation of intelligence” ang kulang na medyo nagkamali ang militar.