Plano ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magtayo ng ilang istruktura sa West Philippine Sea para mas lalong patunayan ang soberanya ng bansa sa lugar.
Sinabi ni AFP chief Gen. Cirilito Sobejana, ang nasabing hakbang ay bilang pantapat sa ginagawa ng China na paglalagay ng mga istruktura sa lugar.
Ipinasa nila sa National Task Force in the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang nasabing proposal.
Dagdag pa ng AFP chief na gumagawa na sila ng paraan para mas lalong palakasin ang puwersa nila sa nasabing lugar.
Ipinaliwanag nito na kaya ngayon lamang nila naisipan ang nasabing paraan ay dahil mayroong kasunduan noong 2002 sa Declaration on Conduct of Parties in the South China Sea na bawal ang pagtatayo ng anumang istruktura subalit ito ay nilabag ng China.
Ang pakikpaggiyera aniya ay siyang huling kaparaanan na ng AFP kaya naghahanap na sila ngayon ng makabago at mapayapang paraan.