-- Advertisements --

Makikiisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Ito ang laman ng mensahe ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr, isang araw bago ang ika-126 na anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas.

Ayon sa heneral, determinado ang AFP na gampanan ang tungkulin at mandato nito na ipagtanggol ang Pilipinas at ang mga mamamayan.

Tiniyak ng heneral na kasama ng sambayanang Pilipino ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagpapanatili sa kapayapaan para sa buong bansa.

Dagdag pa ng heneral, paninindigan ng AFP ang sinumpaan nitong tungkulin na pagsilbihan ang publiko, maging matapat sa bayan, mamamayan, at sa bandila ng bansa.

Una nang tiniyak ng AFP ang pakikipagtulungan nito sa PNP para sa pagbabantay sa buong bansa, kasabay ng nationwide celebration ng Araw ng Kalayaan bukas, June 12.