-- Advertisements --

Mapipilitan ang militar na salakayin ang mga mosque sa Marawi City kung hindi aalis dito ang mga nagtatagong miyembro ng Maute terror group.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) Col. Edgard Arevalo na kapag hindi pa aalis sa mga mosque ang mga teroristang Maute mapupwersa silang atakihin ito alinsunod international humanitarian law.

Sinabi ni Arevalo na hangga’t maari ayaw sana nilang humantong sa ganitong eksena ang labanan sa MarawiCcity kaya nakikiusap pa rin sila sa mga Maute na lisanin na ang mga mosque.

Inihayag ni Arevalo na mukhang plano talaga ng mga terorista na dalhin ang huling yugto ng labanan sa mga pook dasalan para palabasin itong religious war.

Dahil dito wala ng pagpipilian o choice ang pamahalaan kundi gawing target din ang mga mosque sa Marawi City.

Samantala, sa ngayon 15 percent pa ng Marawi City ang kontrolado ng Maute kung kaya’t lalo pang pinalakas ng militar ang kanilang opensiba.

Nitong weekend muling sinimulan ng militar ang paglulunsad ng airstrike sa lugar.