ROXAS CITY – Posibleng masampahan ng kaso ang mga newly-elected local government officials sa isla ng Panay na sumusuporta sa grupo ng New People’s Army (NPA).
Ito ang inihayag ni Lt. Col. Joel Benedict Batara, ang battalion commander ng 61st Infantry (Hunter) Battalion Philippine Army nang makapanayam ng Bombo Radyo Roxas.
Nabatid na base sa impormasyon na nakalap ng militar, 37 mga kandidatong tumakbo sa nakaraang May 13 midterm elections ang sumusuporta sa mga rebeldeng grupo.
Sa nasabing bilang 15 sa mga ito ang nanalo sa kani-kanilang kandidatura.
Napag-alaman na kabilang sa suportang ibinibigay ng hindi na pinangalanang mga personalidad sa mga miyembro ng NPA ay pera, pagkain, baril at iba pang pangangailangan ng rebeldeng grupo.
Dahil dito ayon kay Col. Batara, posibleng sampahan ng kaukulang kaso ang naturang mga opisyal dahil ang pagsuporta sa mga rebelde ay isang akto ng terorismo.
Samantala, “political survival” ang rason ng karamihan sa mga kandidato kung kaya’t sinusuportahan ng mga ito ang mga rebelde.