Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagdeklara sila ngayong araw ng humanitarian ceasefire sa Marawi City.
Sinabi ni Padilla na inaprubahan ni AFP chief of staff General Eduardo Año ang pagkakaroon ng tinatawag na humanitarian pause para magbigay-daan sa pagbibigay ng tulong at pag-rekober sa sinumang nasugatan at sa mga labi ng mga nasawi sa labanan.
Epektibo ang ceasefire simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.
“Para ngayong umaga lang po ito. May request na po para sa mas matagalang aabutin ng ilang araw, pero hindi po natin maaaring payagan iyan dahil may iina-address pa po tayong mga threat d’yan sa loob,” pahayag ni Padilla.
Ayon kay Padilla, binigyan na ng direktiba ni Gen. Ano, ang mga ground commanders na bigyang-daan ang humanitarian mission.
Una rito, may mga request ang ilang humanitarian groups at local government leaders sa AFP na bigyan-daan ang humanitarian activities na layon matulungan ang mga sibilyan na nangangailangan ng tulong.
Pagtiyak ng heneral na hindi maaaring magtagal ito dahil kailangan nilang tapusin ang pagtugis sa mga teroristang Maute na naging dahilan sa labanan ngayon sa Marawi.