KORONADAL CITY – Nagdeploy ng karagdagang pwersa ang Armed Forces of the Philippines sa Sitio Tuburan, Barangay Labungan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte matapos maiulat ang pagsalakay ng grupo ng mga armadong nagpakilala na mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Ayon kay 601st Infantry Brigade Commander BGen. Oriel Pangcog, nagdeploy ng mga sundalo sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente matapos ang paglusob umano ng mga armado kung saan sinunog ng mga ito ang mga bahay ng mga katutubo, ninakaw ang mga hayop at ang mga farm machineries.
Kaugnay nito, nakipagpylong ang military sa liderato ng MILF upang alamin ang pagkakasangkot ng ilan sa kanilang mga miyembro at matugunan ang reklamo ng mga katutubo.
Sakaling mapatunayan umano ay mananagot ang mga ito at maging ang pamunuan ng MILF ay aatasan na magpaliwanag sa pangyayari.
Napag-alaman na maliban sa seguridad nais din ng mga IPs na ma-harvest ang kanilang mga pananim at mabawi ang mga ninakaw na hayop dahil ito lamang ang kanilang inaasahan sa hanapbuhay.
Umapela din ang mga katutuno sa lugar na hayaan silang makapamuhay ng tahimik at huwag nang gambalain pa.
Napag-alaman na ang nabanggit na lugar ang isa sa mga binabantayan din at kabilang sa mga areas of concern sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.