KORONADAL CITY – Naghahanda na umano sa ngayon ang military sa mga retaliatory attacks na posibleng ilunsad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan faction matapos na umakyat na sa 5 ang binawian ng buhay sa panig nga mga terorista matapos ang ginawa nilang pagsalakay sa bayan ng Datu Paglas, Maguindanao.
Ayon sa Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, kilala ang BIFF sa paggawa ng mga IED’s at hindi malayong pamomomba ang kanilang gagawin upang makapaghigante sa hanay ng mga sundalo.
Kaya’t sa ngayon ay patuloy na nakataas ang alerto sa buong Maguindanao at hindi lamang sa Datu Paglas at Buluan kung saan nangyari ang mga engkwentro.
Napag-alaman na apat lamang ang unang narekober na bangkay ng mga BIFF dahil ang isa sa mga ito na kinilalang si Habib na taga-North Cotabato ang dinala ng mga kasamahan nito .
Sa ngayon ay nasa trauma pa rin ang mga residente sa lugar ngunit hiling na sana ay hindi na maulit pa ang palitan ng putok dahil sa sila pa rin ang naaapektuhan.
Matatandaan na higit 200 mga sibilyan din ang nagdiwang ng kanilang Eidl Firt kahapon sa mga evacuation center.