-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binomba ng Joint Task Force Central ang kuta ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon kay 601st Brigade commander Brig. Gen. Roy Galido, nakatanggap sila ng impormasyon sa presensya ng grupo ni Solaiman Tudon ay Kumander Abu Jihad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) na nagtatago sa Barangay Paitan, Mangudadatu, Maguindanao.

Agad nagsagawa ng artillery bombardment ang Field Artillery Battalion Philippine Army sa kuta ng mga terorista gamit ang 105mm howitzers cannon.

Tumulong din ang mga fighter aircraft ng Philippine Air Force sa pambobomba.

Dahil sa takot ng mga sibilyan na maipit sa gulo ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.

Tumindi ang engkwentro ng pinasok ng militar ang kuta ng BIFF kaya umatras ito patungong Liguasan Delta.

Anim ang napaulat na nasawi at marami ang nasugatan sa grupo ni Kumander Abu Jihad na itinurong utak sa pagsalakay sa palengke ng bayan ng Datu Paglas.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang BIFF sa Maguindanao.