Nagpahayag ng kahandaang magpaabot ng tulong ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas para sa mga biktima ng magnitude 7.6 na lindol na tumama sa malaking bahagi ng Japan.
Sa isang pahayag ay muling binigyang-diin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang buong suporta nito sa Japan Self-Defense Force na kasalukuyang kumakaharap ngayon sa krisis.
Aniya, ito ay bahagi ng commitment ng AFP sa JSDF para sa isang mas matibay at matatag na ugnayan ng Pilipinas sa Japan na isa aniyang kaalyado at kaibigan ng ating bansa.
Kung maaalala, ang naturang malakas na lindol ang bumungad sa malaking bahagi ng Japan sa pagsalubong ng Bagong Taong 2024.
Kaugnay nito ay naglabas din ng mga tsunami warnings ang Japan Meteorlogical Agency sa mga coastal prefectures ng Ishikawa, Niigata, at Toyama bilang paghahanda pa rin sa banta ng malalaking hampas ng alon na posibleng idulot ng nasabing malakas na pagyanig.