Muling nagpahayag ng pagkabahala ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines matapos ang panibagong underwater drone na namataan sa bahagi ng karagatang sakop ng lalawigan ng Bohol.
Ayon sa AFP, sakaling matukoy na ito’y totoo, ito na ang ika-6 na submersible drone na namataan sa karagatan ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay tiniyak ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na mas lalo nilang paiigtingin ang pagbabantay sa mga karagatang sakop ng EEZ ng bansa.
Maaalalang pinag-usapan online ang nasabing underwater drone na nakitang palutang-lutang sa katubigan ng Bohol.
Ito ay may kulay silver at pula habang hindi naman kinuha ng mga mangingisda dahil sa takot.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kailangang mahanap at makuha ang nasabing underwater drone para mapasailalim sa kaukulang forensic investigation.