-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkansela ng biyahe ng ilang mga mambabatas patungo sa Pagasa island na bahagi ng Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea.

Nakatakda sanang magsagawa ng public hearing sa Pagasa island ang House Committee on Govt Enterprises and Privatization sa pangunguna ni Kabayan party-list Representative Harry Roque.

Layunin ng pagdinig na makalikha ng panukalang batas na lilikha ng West Philippine Sea Development Authority para sa pagtatayo roon ng seaport, airport at mga imprastrakturan pang edukasyon, turismo at kalusugan.

Ayon kay Capt. Cheryl Tindog, spokesperson ng Western Command na pangunahing konsiderasyon nila rito ay ang kaligtasan ng mga mambabatas.

May ilang araw na kasi aniyang nag-uuulan sa Pagasa island kaya malambot ang lupang paglalapagan ng anumang aircraft o eroplano na posible aniyang magdulot ng peligro sa kaligtasan ng mga tutungo roon.

Sa katunayan sinabi ni Tindog na maging ang nakatakda sanang biyahe sa isla ngayong araw nina Defense Sec Delfin Lorenzana at AFP chief of staff Gen Eduardo Año kasama ang ilang miyembro ng media ay naudlot din dahil sa parehong dahilan.