-- Advertisements --

Nagpatroliya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Luzon Strait at nagsagawa ng joint military exercise kasama ang Amerika sa Mindanao.

Ayon kay Northern Luzon Command (Nolcom) commander Lt. Gen. Fernyl Buca, sa Luzon, naglunsad ang Northern Luzon Command (Nolcom) ng maritime patrol sa coastal waters ng La Union hanggang sa Batanes mula Abril 9 hanggang 10.

Nagsagawa naman ang BRP Gregorio del Pilar (PS15), BRP Heracleo Alano (PC380), at BRP Nestor Reinoso ng maritime drills habang nagpapatroliya sa may Luzon strait.

Nakumpleto din ng mga ito ang resupply mission sa mga tropang nakaistasyon sa mga isla sa Batanes kabilang ang naval detachment sa Mavulis island na nagsisilbing shelters ng mga sundalo na nababantay sa pinakahilagang teritoryo ng ating bansa.

Ang walang patid na pagpapatroliya ng mga barko ng Pilipinas sa ating mga katubigan ay sa gitna ng mga ulat na presensiya ng Chinese reasearch vessels sa hilagang parte ng bansa matapos ipag-utos ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa Nolcom na maghanda sa posibleng invasion sa Taiwan kung saan nagtratrabaho ang nasa 250,000 overseas Filipino workers (OFWs).

Sa Mindanao naman, nagsagawa ang Western Mindanao Command ng Marine Exercise (MAREX) 2025 kasama ang US Marine Corps sa Barangay Penansaran, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Abril 9.

Dito, nagsagawa ng simulated operation kabilang ang live fire exercise at Full Mission Profile Amphibious Assault na ayon kay Westmincom commander Lt. Gen. Antonio Nafarrete ay nagpamalas ng lakas ng military cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Amerika at kahandaan sa complex littoral operational environment.