Na-rescue at nasa mabuting kalagayan na ngayon ang 22 Pinoy na mangingisda matapos umano’y sadyang banggain ng isang Chinese fishing vessel ang kanilang fishing ship sa may bahagi ng Recto Bank sa West Philippine Sea.
Isinakay sa FB Thanksgiving sister vessel ang mga mangingsida mual sa lumubog na FB GIMVER.
Dahil sa insidente agad nakipag-ugnayan sa kanila ang may-ari ng fishing vessel na isang Felix Dela Torre ng San Jose, Oriental Mindoro.
Agad nitong ipinadala sa lugar ang isa pa nilang fishing boat para doon manatili ang mga crew matapos ma-rescue ng Vietnamese fishing vessel.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Command (WESCOM) spokesperson Lt. Col. Stephen Penetrante, kaniyang sinabi na ongoing sa ngayon ang kanilang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Sinimulan na rin ng Joint Task Force West ang pagdokumento sa insidente at pagkuha ng mga pahayag sa 22 Pinoy na mangingisda na sa siyang magiging basehan sa pagsampa ng Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China.
Mismo ang mga survivors kasi na mga mangingisda ang nagsabi na Chinese fishing vessel ang bumangga sa kanila dahil napakalapit nito.
Maging ang isa pang Pinoy fishing vessel na nag-report sa insidente sa otoridad at ang nag-rescue na Vietnamese vessel.
Pero giit ni Penetrante, malalaman din ang buong katotohanan sa magiging resulta ng imbestigasyon kung Chinese vessel ang may kagagawan at kung bakit hindi nito tinulungan ang mga mangingisdang Pinoy matapos lumubog ang kanilang fishing boat.
Ayon sa WESCOM tila “hit and run” ang nangyari dahil hindi man lamang tinulungan ang mga Pinoy.
Kasalukuyang nasa Recto Bank ngayon ang barko ng Navy ang BRP Ramon Alcaraz na siyang tumutulong sa ginagawang salvaging operation para marekober ang lumubog na FB GIMVER 1.
Siniguro naman ng Westcom na kanilang ipinapatupad ang kanilang misyon o mandato na protektahan ang interes at teritoryo ng bansa.
Dagdag pa ni Penetrante na ang insidente sa Recto Bank ang kauna-unahang insidente na itinuturing na ” unfortunate incident” ng WESCOM kung saan sinadyang banggain ang nakaangklang Filipino fishing boat.