KORONADAL CITY – Patuloy na nakaalerto ngayon ang mga sundalo matapos na mabigo sa tangkang pag-atake sa ilang mga detachments sa Maguindanao.
Ito ang inihayag ni Lt. Col. Dennis Almorato, spokesperson ng 6ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Almorato, pinakahuling naitalang panghaharass ng BIFF ay naganap sa detachment ng mga sundalo at CAFGU ng 40th Infantry Battalion sa Sitio Panang, Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur./
Dagdag pa ng opisyal, pinaputukan ng higit sampung mga armado ang detachment ng Bravo Company, Patrol Base ng 40IB.
Masuwerte naman na walang nasawi o nasugatan sa nasabing pag-atake na nauwi sa engkwentro ngunit, nagdulot naman ng takot sa residente sa nasabing lugar.
Sa ngayon, patuloy din ang monitoring ng AFP sa ibat-ibang lugar sa Mindano sa galaw ng BIFF at iba pang lawless groups.