Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na nakahanda ang kanilang tropa para magbigay ng proteksyon sa lahat ng mga Pilipinong mandaragat.
Ginawa ng AFP ang pahayag kasunod ng mga insidente ng panghaharas ng China sa mga barko ng Pilipinas.
Kamakailan ay binangga at binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa may bahagi ng West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na sa ngayon ay nakatuon ang Philippine Coast Guard at BFAR ang nasabing ilegal na aksyon ng China.
Ayon kay Col. Padilla, nananatiling commited ang AFP sa pagbibigay ng proteksyon sa maritime interests ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.
Nang tanungin kung ano ang ginagawang paghahanda ng sandatahang lakas ng pilipinas sakaling magkaroon ng escalation ang China sa lugar ay tumangging magkomento ang opisyal.
Bagamat tiniyak nito na patuloy ang kanilang ginagawang pagrebisa sa kanilang “rules of engagement.”