Ikinatuwa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbabalik sa bansa ng makasaysayang Balangiga Bells.
Ayon kay AFP Spokesman BGen. Edgard Arevalo, maituturing na makasaysayang tagpo ang pagbabalik-bansa ng mga naturang kampana na matagal nang ipinaglaban ng mga Pilipino.
Ang pagbabalik aniya ng mga kampana ay hindi lamang tagumpay ng mga Samareño kung hindi tagumpay ng bawat Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.
Pagpapakita rin ito ng pagiging sinsero ng Amerika para sa pagkakaisa at pakikipag-alyansa nito sa Pilipinas matapos ang ilang taong pananakop nito
Magugunitang ginawang war trophy ng mga tropa ng Amerika ang mga naturang kampana matapos ang malagim na Balangiga Massacre sa Samar nuong Setyembre 28, 1901.
Ito’y bilang ganti na rin ng mga sundalong Amerikano sa mga Pilipino dahil sa ginawa nilang pag-atake sa kanila ng mga ito dahil sa pagmamalabis sa kapangyarihan.
Nakatakdang dumating sa Villamor Airbase ang Balangiga Bells sa Disyembre 11 lulan ng eroplano ng United States Armed Forces at sa Disyembre 15 ang gagawing seremonya sa Samar.