-- Advertisements --

Ikinalugod ng AFP ang pagbasura ng Sandiganbayan sa kasong isinampa lamang sa ilang police at military officers na nasa likod ng pag-aresto sa 43 health workers sa bayan ng Morong, Rizal noong Pebrero 2010, na binansagan bilang “Morong 43.”

Sa isang pahayag, sinabi ni AFP spokesperson BGen. Edgard Arevalo, masaya raw ang kanilang hanay na naibigay na ang hustisya sa mga respondents.

Sa ngayon, ayon kay Arevalo hinihintay na lamang nila ang kopya ng naturang court decision.

Kabilang sa mga napawalang-sala ng Seventh Division ng anti-graft court ang dating mga heneral na sina Jorge Segovia, Aurelio Baladad, at Joselito Reyes, at si BGen. Cristobal Zaragoza.

Inakusahan ang naturang mga military officials ng pakikipagsabwatan sa mga police officals a sina Marion Balonglong, Allan Nobleza, at Jovily Carmel Cabading upang ipagkait sa Morong 43 ang kanilang karapatan na mamili ng kakatawan sa kanilang counsel.

Ayon sa AFP, ang pagbasura sa naturang kaso sa nasabing mga opisyal ay nagpapakita lamang daw na tumatalima ang AFP sa mandato ng Bill of Rights sa Saligang Batas.