Nanawagan ngayon ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa publiko ng kooperasyon para maging maayos at matiwasay ang BSKE sa Lanao del Sur sa araw ng Lunes , Oktubre 30.
Ayon kay 103rd Infantry (Haribon) Brigade commander Brig. Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr. , kailangan ng gobyerno ang tulong mula satsang bayan upang maging bahagi sila ng solusyon para sa matagumpay, tapat at maayos na halalan.
Naniniwala ito na magiging matagumpay ang pagdaraos ng eleksyon kapag ang lahat ay magtutulungan at magkakaroon ng pagkakaisa.
Iniulat rin nito na nakakalat ang kanilang infantry battalion sa mga polling centers sa naturang probinsya upang matiyak na lahat ng security force ay available sakaling kailanganin ng mga election officers at teachers .
Tiniyak rin ng opisyal na magiging ligtas ang lahat ng mga election officers at mga guro na magsisilbing electoral board.
Aniya, sapat ang bilang ng kanilang tropa at firepower upang tumugon sa anumang kaguluhan sa lugar.
Samantala, sa isang pahayag ay una nang sinabi ng Lanao del Sur Provincial Police Office na pinangungunahan ni Police Col. Robert Daculan na aabot naman sa 350 augmentation personnel ang nakaantabay at naka handang umalalay sakaling kailanganin sa araw ng halalan.
Nanawagan naman si BARMM Regional Election Director Ray Sumalipao sa mga kandidato na sundin ang mga panuntunan sa eleksyon at maging magandang ehemplo sa nakararami.
Hinimok niya rin ang mga botante na bisitahin ang opisina ng election officer para matukoy ang kanilang mga presinto at voting center sa Lunes.
Samantala, umaasa naman si Lanao del Sur Vice Gov. Mohammad Khalid R. Adiong na magiging tahimik ang pagdaraos ng BSKE sa kanilang probinsya.
Batay sa datos, aabot sa 2,555 ang mga kumakandidato sa pagka barangay kapitan sa Lanao del Sur habang 13,687 ang tumatakbo sa pagka barangay kagawad o councilor, SK chairman, 1,754 at SK kagawad, 5,747 na may kabuuang bilang na 23,743.