KORONADAL CITY – Naninindigan ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na hindi ang Moro Islamic Liberation Front o MILF ang target ng kanilang operasyon sa Maguindanao kundi ang mga teroristang grupo.
Ito ang binigyang linaw ni Lt. Col. John Paul Baldomar, spokesperson ng 6th ID, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Baldomar, ang isinagawang operasyon ng pulisya kasama ang mga sundalo sa Sitio Itil, Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao ay may layuning mahuli ang isang high-value target suspect na si Surin K. Mentang na isa rin umano’y gun-runner na may kasong multiple murder at sangkot sa Maguindanao Massacre noong taong 2009.
Ngunit ang nangyari ay habang papasok ang PNP-SAF at 40th ID, Philippine Army sa lugar ay sinalubong ang mga ito ng putok mula sa mga armadong grupo na sa huli ay nalamang mga kasapi ng 105th Base Command ng MILF.
Dagdag pa ni Baldomar, may mga nakalagay na Philippine Army ang kanilang mga sasakyan kaya’t “puzzled” umano sila sa pahayag ng MILF na wala silang proper coordination nang pasukin ang lugar.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng AFP ang ilalabas na resulta ng imbestigasyon ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), International Monitoring Team (IMT) at Adhoc Joint Action Group o AHJAG sa pangyayari.
Kung malilinawan umano ang engkwentro ay malaki naman ang paniniwala ng opisyal na hindi makakaapekto sa ceasefire at peace agreement ang engkwentro sa pagitan ng Army at MILF.
Kasabay nito, iginiit ni Baldomar na sinusunod ng Philippine Army ang mga nakalatag na mechanism sa peace agreement upang maiwasan ang misencounter.
Sa kabila nito, ipinasiguro naman ni Baldomar na nakatutok ngayon ang kasundaluhan sa mga lugar sa Maguindanao na nasa hotspot areas sa darating na eleksiyon.