Hindi na kailangang imbestigahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isyu ng umano’y planong destabilisasyon sa militar.
Ito ang inihayag ng tagapagsalita nitong si Colonel Medel Aguilar.
Tinanong si Aguilar kung may nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa mga alegasyon ng destabilization para makita kung may mga paksyon sa loob ng AFP.
Aniya, alam nila na ang mga opisyal ay dumarating at umaalis, at samakatuwid, kailangan nilang sundin palagi ang chain of command upang matiyak na ang organisasyon ay nagkakaisa at magagawa nila ang kanilang mandato at ang kanilang misyon.
Sinabi ni Aguilar na wala siyang ideya kung saan nanggaling ang mga tsismis sa destabilization dahil kasalukuyang nakatutok ang AFP sa misyon nito.
Gayunman, inamin niya na hindi siya makapagsalita para sa mga indibidwal na pananaw o emosyon ng bawat miyembro ng AFP.
Nauna nang itinanggi ng AFP at Philippine National Police (PNP) ang umano’y planong destabilisasyon sa militar na kumalat sa social media nitong weekend.
Ang mga alingawngaw na ito ay lumutang pagkatapos ng mga dapat umanong pagbibitiw sa Department of National Defense (DND).
Gayunman, sinabi ng PNP na ang pinataas nitong police alert ay para lamang sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Pista ng Itim na Nazareno.