-- Advertisements --

Nanindigan ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang namomonitor na mga miyembro ng Maute Terror Group na nakapag penetrate sa Metro Manila.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo na walang report sa kanila ang kanilang intelligence community ukol dito.

Pinayuhan ng AFP ang publiko na manatiling mapagmasid sa kanilang kapaligiran sa harap ng pagkakahuli ng PNP sa isang miyembro ng Maute terror group sa Barangay Culiat, Quezon City.

Sinabi ni Arevalo na bagaman sa panig ng militar ay wala silang namonitor na nakarating na rito sa metro manila ang paghahasik ng terorismo ng maute terror group hindi ibig sabihing magpapabaya na ang mga otoridad.

Nirerespeto aniya nila ang basehan ng Pambansang Pulisya sa pagsasabing posibleng unti-unti nang nagtitipon dito sa kalakhang Maynila ang mga miyembro ng Maute.

Dahil dito nararapat lamang maging handa ang publiko at makipagtulungan sa militar sakaling may maobserbahang kakaibang kilos ng mga hindi kilalang personalidad sa kanilang komunidad para sa kaligtasan ng lahat.