Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Army (PA) na nasawi sa engkwentro ang mataas na leader at tagapagsalita ng New People’s Army (NPA) na si Jorge Madlos alyas Ka Oris.
Ang pahayag ay ginawa ni AFP spokesperson Col. Ramon Zagala matapos sabihin ng CPP-NPA na tinambangan si Ka Oris at walang nangyaring engkwentro.
Giit ni Zagala, lehitimo ang kanilang operasyon.
Umaasa aniya sila sa “misdirection” o panlilito na gagawin ng NPA sa pagkamatay ni Ka Oris lalo pa’t malaking dagok sa kanila ang pagkasawi nito.
Matatandaan na nasawi si Ka Oris sa kamay ng 403rd Brigade nitong nakalipas na October 29 sa Sitio Gabunan, Brgy Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon sa gitna ng engkwentro sa 30 iba pang NPA.
Siya ang sinasabing commander ng National Operations Command, NPA spokesperson at miyembro ng Central Committee-Execom.
Una na ring sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na malaking dagok sa komunistang grupo ang pagkasawi ni Ka Oris.