Nasa high alert status ngayon ang Disaster Response Units ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang paghahanda sa epekto ng bagyong Ulysses na tatama sa Luzon at ilang lugar sa Visayas.
Ayon kay AFP chief of staff General Gilbert Gapay, naka pre-position na ngayon sa ligtas na lugar ang kanilang mga tauhan at equipment sa Southern Luzon Command, Northern Luzon Command at Joint Task Force National Capital Region, partikular ang mga army battalions.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang AFP sa NDRRMC at sa kanilang mga local counterparts para masigurong agad na marerespondehan ang mga mangangailangan ng tulong.
Sinabi pa ni Gapay na naka-deploy na rin ang search and rescue units na may mobility assets at naglilibot sa mga mababang area para sa posibleng pre-emptive evacuation.
Siniguro ni Gapay sa publiko na mananatili silang nakatutok sa kaligtasan ng mga naapektuhan ng bagyo katuwang ang iba’t ibang ahenysa ng gobyerno.
Panawagan naman ng AFP sa lahat na mag-ingat, makinig at makiisa para maibsan ang epekto ng pananalasa ng bagyo.