-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Naniniwala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año na nasa kamay ngayon ng militar ang momentum kaugnay sa operasyon laban sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Sa panayam dito sa Lungsod ng Baguio, sinabi ni Año na maganda ang kasalukuyang attitude ng mga sundalo kung saan pursigido ang mga ito na tugisin at pulbusin ang mga bandido.

Sa ngayon ay on going ang combat operations sa Lanao del Sur na ang pangunahing target ay ang lider ng ASG na si Isnilon Hapilon at ang Maute brothers.

Kamakailan ay walong miembro ng ASG ang napatay sa operasyon at walong armas ang nakumpiska ng militar.

Pahayag ni Año, puspusan ang misyon ng mga sundalo at kumpiyansang sa loob ng anim na buwan ay mababawasan ang puwersa ng teroristang grupo at mawawalan ng kapasidad na lumaban kung hindi man tuluyang maubos ang mga ito.

Ang magandang takbo aniya ng combat operations laban sa Abu Sayyaf ay resulta rin ng pag-ayos nila sa leadership ng mga unit at brigade commanders hindi lamang sa Sulu kundi maging sa Tawi Tawi kung saan madalas nagaganap ang pagdukot at seajacking.