LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na full-scale attack laban sa insurhensya sa bansa.
Pangunahing layunin ng naturang kautusan ang nakapaloob sa Executive Order 70 o Ending Local Communist and Armed Conflict (ELCAC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Col. Dennis Caña, pag-alerto sa pwersa ang agad na pagsasagawa ng aksyon habang hihigpitan umano ang operasyon laban sa mga rebeldeng matigas ang paninindigan laban sa pagbabalik sa pamahalaan.
Subalit mas binibigyan ng atensyon sa ngayon ang pagpapasuko sa mga ito na nakikita na ang resulta dahil mas marami na ang rebel returnees kasabay ng pagpapaabot ng serbisyo sa mga malalayong lugar.
Ayon kay Caña, tipikal na nahihikayat at naiimpluwensyahan na pumasok sa rebeldeng grupo ang mga residente dahil sa paggamit ng isyu sa kahirapan at kakulangaan ng naabot na serbisyo.
Dagdag pa ng opisyal na “whole of a nation approach” ang target at ipinapaubaya na sa mga rebelde ang pasya kung magpapatuloy sa pakikipaggiyera o magbabalik sa pamahalaan.