Nilinaw ni AFP (Armed Forces of the Philippines) spokesperson Col. Ramon Zagala na hindi ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang target ng kanilang operasyon sa Lanao del Sur.
Ito’y matapos maglabas ng pahayag si Bangsamoro Interim Chief Minister at MILF Chairman Ahod “Murad” Ebrahim na ang lugar na binomba ng militar sa Barangay Ilalag, Maguing, Lanao del Sur noong Martes, ay sakop ng teritoryo ng MILF.
Binigyang-diin ni Zagala na nirerespeto ng militar ang usapang pangkapayapaan sa MILF, at ang target nila ay ang grupong pinamumunuan ni Faharudin Hadji Satar alyas Abu Zacariah, na sinasabing bagong “emir” ng Islamic State of Iraq and Syria sa Southeast Asia.
Mismong mga miyembro pa aniya ng MILF ang nagturo sa militar ng kinaroroonan ng kuta ng teroristang grupo.
Matapos makuha ng militar ang kuta ng kalaban, nagtungo pa aniya sa lugar si 103rd Infantry Brigade commander Brig. Gen. Jose Maria Cuerpo II kasama ang opisyal ng MILF na si Ayobkhan Usman para mag-inspeksyon.
Siniguro ni Zagala na mayroong “full coordination” ang AFP sa MILF bilang kanilang “partner” sa peace process.