Tumangging magbigay ng anumang komento ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa ginagawang militarisasyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, ang mga pahayag patungkol sa isyu sa disputed islands at ang pagiging aktibo ng China sa nasabing rehiyon ay ipinauubaya na ng militar sa Department of Foreign Affairs.
Tiniyak naman ni Arevalo na sa panig ng AFP, ginagawa nila ang kanilang mandato na bantayan at protektahan ang teritoryo at soberenya ng bansa.
Sinabi pa ni Arevalo, regular naman umano ang ginagawang maritime at aerial patrol sa bahagi ng West Philippine Sea.
Lahat aniya ng kanilang namo-monitor ay ipinapaalam nila sa national leadership dahil nasabing usapin na may kaugnayan sa National Policy at Foreign Policy ay hindi sakop ng AFP.
“We can assure our people that your Armed Forces of the Phils will never renege in its constitutional obligation o help secure and defend the territorial integrity of our nation,” wika ni Arevalo.
Tumanggi naman si Arevalo na ihayag kung ano naging resulta sa mga ginagawang pagpapatrulya ng Philippine Navy at Philippine Air Force sa disputed islands.