Nagkasundo ang Philippine National Police at Armed Forces of the Phils – Northern Luzon Command na palalawakin pa ang inter-agency cooperation sa pagitan ng mga ito.
Una rito ay nakipagpulong si NolCom Commander Lt. General Fernyl Buca kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Sa naging pag-uusap ng dalawang opisyal, napagkasunduan ng mga ito ang mas malawak at mas maraming joint operations, sa kabuuan ng Northern Luzon, lalo na ngayong panahon ng halalan.
Sa panig ng PNP Chief, tiniyak naman nito ang pagpapadala pa ng karagdagang mga tauhan mula sa mga Regional Mobile Force Batallion offices ng PNP.
Ito ay upang magsilbing suporta sa Community Support Program Teams for Urban Operations ng NOLCOM, na siyang tumutugon sa mga hamon sa seguridad ng Northern Luzon.
Samantala, napagplanuhan din ng PNP at NolCom na magsagawa ng karagdagang training sa pagitan nila, upang lalo pang mapataas ang kalidad ng kasanayan ng mga sundalo at police.
Ang naturang training ay inaasahang magpo-pokus sa Community Support Program o community engagement.