CAGAYAN DE ORO CITY – Malaking pagkakapilay sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kung ituring ng AFP ang pagkakapatay sa top commander ng mga rebelde sa nangyaring engkwentro laban sa 44th Infantry Battalion sa Purok 2, Brgy. ZNAC, Tampilisan, Zamboanga del Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Lt. Col. Alaric de los Santos na ang pagkasawi ni Western Mindanao Regional Party Committee 1st Deputy Secretary Leonardo Nabong alyas Otik na taga-Tagoloan, Misamis Oriental ay hudyat umano na mawawalan ng pokus ang nasasakupan nito sa lugar.
Inihayag ni De Los Santos na natunton nila ang lokasyon ni Nabong dahil nagsumbong ang ilang mga sibilyan.
Natuklasan na si Nabong ay miyembro rin ng Komisyon Mindanao (KOMID) executive committee na mayroong warrant of arrests ng mga kasong multiple murder with quadruple frustrated murder, damage to government property at rebellion na inilabas ng Regional Trial Court Branch 36 ng Calamba, Misamis Occidental at may reward na P6.1-milyon.
Narekober sa encounter site ang M14 rifle, apat na M16A1 Elisco, M203 Grenade Launcher, 10 long at four short magazines ng M16 rifle at anim na rounds live ammunition ng 40mm.