-- Advertisements --

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na patuloy ang kanilang isinasagawang pursuit operations at negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front sa bahagi ng Sumisip, Basilan.

Ito ay matapos ang ginawang pananambang ng ilan sa mga miyembro nito sa mga tropa ng militar kamakailan.

Sa isang pahayag ay sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., tinutugis na ng kanilang tropa ang mga lawless groups na siyang responsable sa naturang pananambang.

Aniya, ang kanilang walang humpay na negosasyon sa MILF ay naglalayong pasukuin nito ang kanilang miyembro na sangkot sa pag-atake.

Matapos ang pananambang ay kumalat ang ilang larawan at video online kung saan makikita ang mga pinaniniwalaang miyembro ng MILF.

Bilang tugon ay mariing kinondena ng AFP ang pag-atake ng MILF sa kanilang tropa at naghain ng protesta.

Kung maaalala, ang insidenteng ito ay nagdulot ng pagkakasawi ng dalawang sundalo at dalawang miyembro ng MILF.

Ang tropa ay nagsilbing escort lamang sa mga kinatawan ng United Nations Development Programme na magsasagawa sana ng isang pag-aaral hinggil sa gagawing mga development projects sa lugar.