Pinaalalahanan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga Pilipino na gunitain at bigyang pugay ang mga namayapang mga sundalo na nagbuwis ng kanilang buhay sa bayan kasabay ng paggunita ng Undas.
Sa isang statement, sinabi ng AFP chief na ang panahong ito ay isang paanyaya sa atin para bigyang pugay ang lahat ng mga santo, mga kilala man o hindi at ipagdiwang ang buhay ng ating yumaong mahal sa buhay.
Dapat din aniyang maglaan ng oras para sa pagpupugay sa naiwang legasiya, alaala, at gawaing makabayan ng mga namayapang kasundaluhan.
Pinaalalahanan din ng AFP chief ang lahat ng Pilipino na gamitin ang pagkakataong ibinigay sa mga yumaong bayani para pasihiin ang kanilang commitment para ipagpatuloy ang pagsisilbi sa mga nabubuhay at ipagpasalamat ang biyaya ng buhay at kalayaan.
Maliban sa pagpapalakas ng pananampalataya, binigyang diin din ng AFP chief na ang buhay ng mga bayaning sundalo ay magsisilbing inspirasyon sa lahat.
Samantala, kahapon, nagsagawa ng synchronized candle-lighting ceremony ang Philippine Army (PA), sa pamamagitan ng Grave Services Unit ng Army Support Command and Headquarters at Headquarters Support Group, kung saan nakiisa din ang Boy and Girl Scouts mula sa Fort Bonifacio National High School sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.