Naghahanda na ang Philippine Army sa isasagawang Indonesian-Philippines military exercise sa bahagi ng Mindanao.
Ang naturang drill ay planong isagawa sa huling quarter ng kasalukuyang taon kung saan magsisilbing venue ang Camp Siongco ng Phil Army sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ito ay dadaluhan ng mga sundalo ng 6th Infantry Division Phil Army, at mga sundalo mula sa Indonesia.
Ayon kay Major Gen. Alex Rillera, Commander ng 6ID, nagsagawa na ng inspection nitong nakalipas na linggo ang Indonesian military sa mga training facilities ng naturang dibisyon.
Ang Indonesian contingent ay pinangunahan ni Col. Yoki Malinton Kurniafari, ang kasalukuyang commander ng 11th Infantry Brigade ng Indonesia.
Ang joint exercise ay tatawaging TA Phil-Indo 2024 military exercise na isang inisyatiba ng Philippine Army at Tentara Nasional Indonesia Angkatan Darat, o Indonesian National Military Land Force.
Ang Camp Siongco na siyang magsisilbing venue, ay ang pinakamalaking military installation ng Phil Army sa Mindanao.
Kabilang sa mga magsisilbing focus ng exercise ay ang territorial defense operations at strategic planning activities.