-- Advertisements --

Pinawi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba ng publiko matapos madiskubre ang hinihinalang mga uniporme ng sundalo ng China sa ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.

Paliwanag ni AFP spokesperson Col. Francel Padilla na posibleng ginagamit ang naturang mga uniporme bilang props dahil kilala ang operasyon ng POGO na sangkot sa iba’t ibang ilegal na aktibidad kabilang ang online scams.

Inihayag pa ng AFP official na ipinapakita ng limitadong bilang ng natagpuang People’s Liberation Army uniforms na ginagamit ito sa mapanlinlang na mga aktibidad kesa sa anumang paghahanda para sa invasion o pagsalakay.

Sa kabila nito tiniyak ng AFP na nananatili itong committed sa pagprotekta sa mga mamamayan at sa estado.

Siniguro din ng ahensiya ang buong suporta sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para mabigyang linaw ang naturang usapin.

Ang pahayag na ito ng AFP ay kasunod ng nakumpiskang digital camouflage uniforms sa POGO compound na may butones na may inisyal na PLA na pinagsususpetsahan na kumakatawan sa People’s Liberation Army na military force ng China.

Una naman ng sinabi ng PAOCC na kanilang iimbestigahan kung ito ay pagmamay-ari ng Chinese military personnel na nasa bansa na posibleng nagpapanggap bilang mga empleyado ng POGO.