Pinawi ng Armed Forces of the Philippines ang pangamba ng publiko kasunod ng namataang apat na Chinese warship sa mga katubigang sakop ng Balabac, Palawan.
Ito ay kasunod na rin ng unang statement ng AFP na dumaan lamang ang apat na barko sa naturang lugar.
Sinabi ni AFP public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, sumagot naman ang mga naturang barko sa radio challenge na ginawa ng AFP.
Natukoy aniya ang mga barko na tinatahak ang direksyong Timog-Kanluran.
Batay sa record ng AFP, ang apat na Chinese vessel ay namataan 12 nautical miles ang layo mula sa Palawan noong June 19.
Kinabibilangan ito ng dalawang destroyer na Luyang III (DDG-168) at Renhai (CG-105), kasama ang isang frigate na Jiangkai II (FFG-570). Ang pangatlong barko ay isang replenishment oiler, Fuchi (AOR-907),
Lahat ng mga barkong namataan ay pawang mga barko ng isang People’s Liberation Army Navy.
Paglilinaw ni Col. Trinidad, ang naturang lugar ay malimit daanan ng mga international vessel na nagagawi sa katubigan ng Pilipinas.
Ayon sa AFP spox, ang kapabilidad ng bansa na imonitor at magresponde sa mga dito ay patunay sa commitment ng AFP na protektahan ang teritoryo, karapatan, at soberanya ng Pilipinas.
Nananatili aniyang vigilant ang AFP para mabantayan ang maritime interest ng bansa.