CENTRAL MINDANAO-Nasa heightened alert ngayon ang Joint Task Force Central sa posibling paghihiganti ng Daulah Islamiyah Terrorist Group (DITG) sa pagkasawi ng kanilang bagong Amir at limang kasamahan sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Unang napatay sa engkwentro ng 6th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Ulangkaya Barangay Ganta Shariff Saydona Mustapha Maguindanao si Adsam Indal anak ni Kumander Hassan Indal ng Dawlah Islamiyah at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sa ikalawang combat operation ng 6th IB sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Charlie Banaag sa Barangay Dabenayan Mamasapano Maguindanao nasawi sina Asim Karinda alyas Kumander Abu Azim,bagong Amir ng DITG at mga tauhan nya na sina Fahad Salipada alyas Naz, Hamsallah Ganoy Salangani, Salah Salipada at alyas Tatoks.
Si Kumander Azim ang pumalit kay Salahuddin Hassan ang amir ng Daulah Islamiyah Terrorist Group na napatay sa engkwentro ng militar sa Barangay Damablac Talayan Maguindanao noong Oktubre 29,2021.
Sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy na pinaigting pa nila ang seguridad sa lalawigan ng Maguindanao katuwang ang pulisya sa posibling paghihiganti ng mga terorista.
Pinuri naman ni MGen Uy ang 6th IB sa matagumpay na operasyon at mga sibilyan na nagbigay sa kanila ng impormasyon sa kuta ng mga terorista.