Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang inilabas na kautusan ng Malacañang na nagpapalawak sa saklaw ng idineklarang “State of Lawlessness” sa ilan pang rehiyon sa bansa tulad ng Samar, Bicol, Negros Occidental at Negros Oriental.
Katunayan, inatasan na ni PNP Chief Oscar Albayalde ang mga concerned Police Regional Offices (PRO) na agad na bumuo ng implementation plan para Memorandum Order 32 ng Palasyo.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. Benigno Durana, ang kautusan ay idinirekta ng PNP Chief sa Regional Directors ng PRO-8 na nakakasakop sa Western, Eastern, at Northern Samar; PRO-6 na sakop ang Negros Occidental at Oriental; at PRO-5 na sakop ang buong Bicol Region.
Ito’y para agarang maipatupad ang kautusan ng Malacañang na nag-atas sa AFP at PNP na magdagdag sa puwersa nito sa apat na lalawigang may mataas na insidente ng lawless violence at banta ng terorismo.
Kinumpirma ni Durana na ang hakbang ng Malacañang ay para agarang kontrahin ang naumuong banta mula sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) rebels.
Tinukoy ni Durana ang sunod-sunod na insidente ng karahasan na isinagawa ng mga komunista sa mga naturang lalawigan, kabilang ang pag-atake sa Lapinig municipal station sa Northern Samar; Sagay Massacre sa Negros Occidental; terror attack sa Guihulngan, Negros Oriental; at pang-ambush sa mga pulis sa Bicol.
Nakatakdang magpulong ang National Joint Peace and Security Coordinating Committee sa susunod na linggo para i-coordinate ang lahat ng efforts ng mga ahensyang panseguridad sa pagpapatupad ng kautusan ng Palasyo.
Sa panig naman ng militar, ayon kay AFP Spokesman BGen. Edgar Arevalo, layon lamang ng nasabing memo na harangin ang mga ginagawang aktibidad ng CPP-NPA at National Democratic Front (NDF) sa mga kanayunan, partikular na sa mga nabanggit na lugar na pinaniniwalaang malakas ang puwersa ng mga rebelde.
Nilinaw din ni Arevalo na hindi maaapektuhan ng inilabas na memo ng Malakaniyang ang isinusulong nilang localized peacetalks ng pamahalaan sa komunistang grupo.
Sa katunayan, naging matagumpay aniya ang kanilang kampaniya sa mga rebelde para hikayating magbalik-loob ang mga ito.