Kapwa ititigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang opensiba laban sa CPP-NPA-NDF.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging kasunduan ng government peace panel at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na magpatupad ng 15 araw na holiday truce.
Epektibo alas-12:00 ng madaling araw nitong December 23, 2019 hanggang alas-12:00 ng tanghali sa January 7, 2020 ang unilateral ceasefire.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, naipadala at nai-relay na sa lahat ng military units sa buong bansa ang nasabing kautusan ng Pangulo.
Sinabi ng kalihim ipatutupad ng militar ang Suspension of Military Operations (SOMO) bilang tugon sa kautusan ng kanilang commander-in-chief.
Pero binigyang-diin ng kalihim na nakataas ang red alert status ng militar para labanan ang anumang posibleng banta sa seguridad na pangungunahan ng teroristang grupo.
Kabilang dito ang pagdiriwang ng ika-51 anibersaryo ng Komunistang grupo, sa Disyembre 26.
Sa kabilang dako, nagpalabas na rin ng memorandum kagabi si PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ng kanila namang Suspension of Police Operations (SOPO).
Pero ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac mananatiling nakaalerto ang pwersa ng PNP.
Magugunitang parehong tutol sana ang militar at pulisya sa pagdedeklara ng tigil-putukan dahil sa ginagamit lang daw ito ng mga rebelde upang makapag-recruit at magpalakas ng kanilang puwersa.