-- Advertisements --

Hindi kumbinsido ang militar na sinsero ang New People’s Army (NPA) sa pagdeklara nito ng suspension of military operations (SOMO) ngayong Holy Week.

Naniniwala kasi ang AFP na bahagi lang umano ng panloloko ng NPA ang pagdedeklara ng pansamantalang tigil-putukan ngayong Holy Week upang hikayatin ang pamahalaan na magdeklara din ng SOMO.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Emmanuel Garcia, gusto lang umanong samantalahin ng NPA ang pagkakataon para magpalakas ng puwersa kung magdedeklara ng SOMO ang pamahalaan.

Sinabi ni Garcia na kuwestiyunable ang deklarasyon ng NPA dahil nataon pa ito sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo na tradisyunal nilang “ipinagdiriwang” sa pamamagitan ng pag-atake sa mga pulis, sundalo, maging sa mga sibilyan.

Dagdag pa ni Garcia, nakakapagtaka rin aniya ang naturang pahayag dahil ito ay inanunsyo lang ng umano’y spokesman ng isang guerilla front na ang sakop ay maliit pa sa isang lalawigan, at nilagdaan lang ng isang “regional leader.”

Gayunpaman, sinabi ni Garcia na ang pagdedeklara ng SOMO ay isang political decision, at nakahanda ang AFP na ipatupad ang anumang kautusan mula sa political leadership.

Kasabay nito, tiniyak ni Garcia na mananatiling nakaalerto ang AFP ngayong Holy Week para mapangalagaan ang seguridad ng mga mamamayan laban sa mga komunista at iba pang mga banta.