Hinamon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bumabatikos sa umiiral na Martial Law sa Mindanao na patunayan ang kanilang mga alegasyon patungkol sa umano’y pang-aabuso ng mga sundalo.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, mas mainam kung maglalabas sila ng mga dokumento na magpapatunay sa kanilang mga alegasyon.
Aniya, mahigpit ang direktiba ni AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez na mananagot ang sinumang sundalo na mapatunayang nang-aabuso.
Bukas ang Armed Forces of the Philippines na makinig sa reklamo ng mga taga-Mindanao na nakakaranas umano ng pang-aabuso ng militar dahil sa umiiral na Martial Law.
Ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao ay para sa mga tao bilang dagdag sa kanilang seguridad at kung nakakaranas man ng pang-aabuso mula sa mga sundalo, kailangan nila itong ipagbigay-alam na may kasamang ebidensiya.
Ang pahayag na ito ni Arevalo ay kasunod ng balita na may isang grupo mula Mindanao ang lumapit kay dating Supreme Court Justice Ma Lourdes Sereno para maging kanilang boses ukol sa mga umano’y pang aabuso ng militar.
Batay sa mga nakukuhang feedbacks ng militar mula sa Mindanaons, positibo ang tugon ng mga ito sa umiiral na Batas Militar.