Nagbabala ang militar sa mga warring clans sa Mindanao na huwag nang ituloy ang kanilang mga intensiyong karahasan laban sa kanilang mga kaaway.
Ayon kay Joint Task Force-Ranao Commander BGen. Roseller Murillo, binabalaan nila ang mga angkan o pamilya na sangkot sa rido na mahigpit na ipinapatupad ng AFP ang Martial Law, gayundin ang gun ban sa Mindanao.
Pagtitiyak din ng heneral na hindi nila ito-tolerate ang mga insidente ng rido.
Lalo pa aniyang palalakasin ng militar ang law enforcement operations kasama ang PNP habang epektibo ang Batas Militar.
Kasunod ito sa nangyaring labanan sa pagitan ng dalawang pamilya ng Amanodin at Dipatuan kahapon ng hapon sa may Brgy. Gandamato, Bacolod-Kalawi, Lanao del Sur na ikinasugat naman ng apat na miyembro ng pamilya Amanodin.
Pinaulanan din ng bala ang mga rumespondeng tropa mula sa 65th Infantry Battalion.
Sa kabilang dako, ayon naman kay Col. Romeo Brawner deputy commander ng Joint Task Force-Ranao, may mga narekober na mga baril ang mga tropa ng pamahalaan sa kanilang isinagawang follow-up operations sa Brgy. Madanding, Bacolod-Kalawi, Lanao del Sur.
Kabilang sa mga nakuhang mga armas ay dalawang M14 rifles, isang M16 rifle, isang caliber 22 rifle at 13 M203 ammunitions, 29 piraso ng cal. 7.62 ammo at dalawang magazine ng M14 at 25 pieces ng cal 5.56 ammo.
“This should be a warning to warring clans not to pursue their intentions to attack their adversaries. The JTF Ranao will strictly implement the total gun ban in its area of operation as it applies the full force of martial law in Mindanao,” mensahe ni Murillo.