-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga sundalo na may umiiral na nationwide gun ban.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, simula October 1 hanggang October 30 ay bawal magbitbit ng armas ang mga sundalong hindi naka-duty at hindi nakasuot ng uniporme.

Dahil aniya sa umiiral na gun ban, ang mga sundalo ay may pahintulot lang na magdala ng armas sa labas ng kampo kung naka-uniporme at may kaukulang identification.

Ang mga sundalong naka-sibilyan ay kailangang kumuha ng permit mula sa Commission on Elections (Comelec) para makapagdala ng armas sa labas ng kampo.

Kahapon, inaresto ng militar ang 10 lalaki na naka-sibilyan na nagtangkang pumasok sa Camp Aguinaldo na may dalang mga armas pero walang maipakitang permit to carry mula sa Philippine National Police (PNP) o Comelec exemption.

Samantala, mahigit sa 12 na ang naaresto ng PNP dahil sa paglabag sa gun ban mula sa iba’t ibang rehiyon.