CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginawa nila na pribado ang pagbigay proteksyon sa pamilya ng ilang politiko sa bayan ng Claveria, Misamis Oriental.
Ito ay kahit inamin ni Claveria Mayor Miraluna Salvaleon Abrogar na mismong ang company commander ng militar ang nagpahintulot na makapasok ang mga miyembro ng Civilian Active Auxiliary (CAA) sa compound ng kanilang ancestral house sa Bararangay Malagana sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 58th IB, Philippine Army commander Lt. Col. Roy Anthony Derilo na totoong nandoon ang anim nila na CAA members sa lugar subalit alinsunod umano ito sa hiningi na koordinasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Misamis Oriental Team upang isilbi ang search warrant ng korte laban kina Gertrudes, 66, at Reagan Salvaleon, 36, dahil sa mga hinala na mayroong hawak na mga baril.
Sinabi ni Derilo na sa katunayan, pinasama umano nito ang kanilang CAA members sa headquarters ng CIDG-10 upang magbigay ng kanilang paliwanag kung bakit nasa loob ng compound ng pamilyang Salvaleon.
Ipinadala rin ni Derilo ang mga baril ng CAA members upang ipasuri ang legalidad nito sa ginawa na imbestigasyon.
Samantala,mariing itinanggi naman ni Abrogar na mayroon silang mga baril kaya na-raid ng CIDG ang bahay ng kanyang ina at kapatid lalaki.
Ito ay salungat sa ginawa na pagsumbong ng isang Jaime Cawasan na katunggali nila sa usapin ng lupa at ilang residente na pinagbatayan ng mga otoridad upang kumuha ng search warrants sa korte ng Gingoog City, Misamis Oriental.
Inamin ng opisyal na totoong humingi sila ng military proteksyon upang hindi makalapit o makagawa ng gulo ang tinukoy na si Cawasan na ilang beses nang nagbanta na papatayin umano ang mga ito kung makakita ng pagkakataon.
Sa ngayon, naka-detain sa CIDG-10 headquarters ang mag-ina na Salvacion kasama ang security escorts nila na sina Mario Pagara at Christopher Pagara habang patuloy ang isinagawa na imbestigasyon.