Hinamon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang New People’s Army (NPA) na ipakita ang kanilang sinseridad sa pagbabalik muli sa peace talks.
Ayon kay AFP Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, kung palalayain ng NPA ang kanilang mga bihag, magiging katibayan ito na sinsero sila sa usaping pangkapayapaan.
Hindi aniya sapat na katibayan ang pagpapakawala sa dalawang CAFGU members kamakailan lamang.
Hindi pa naman makakapagdeklara ng suspension of military operation (SOMO) AFP dahil wala pang opisyal na instruction mula sa commander-in-chief.
Ayon pa kay Padilla, wala pang specific instruction sa kanila kung magdedeklara ng SOMO.
Aniya, may mga itinakdang rason si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magiging basehan para sa pagbabalik muli sa negotiating table.
Binigyang-diin ni Padilla na mismong ang NPA ang hindi tumatalima sa unang deklarasyon ng kanilang unilateral ceasefire at unang naglunsad ng mga karahasan lalo na ang pagdukot sa ilang mga sundalo habang ang iba ay dinukot at pinatay ng walang awa.
Naniniwala ang militar na may hidden agenda ang NPA dahilan ng kanilang pagmamakaawa na magdeklara ng ceasefire.
Sinabi ni Padilla na nais lamang ng NPA na mag-take advantage sa ipapatupad na ceasefire kung saan makakapag-recruit ang mga ito ng bagong miyembro, makakapagpahinga at makakapag-regroup.
Hirap daw kasi sila sa ngayon dahil sa pinalakas na opensiba ng militar.
Hiling ng AFP sa rebeldeng grupo na maging sinsero sa pakikitungo sa usaping pangkapayapaan