Muling ipinagtanggol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng Typhon missile launcher ng Estados Unidos sa bansa matapos ang panibagong pahayag ng China hinggil dito.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, bahagi ito ng matagal nang alyansang pangdepensa ng Pilipinas at Estados Unidos. Ani Padilla, Ang missile system ay para sa pagsasanay upang mapabuti ang ating kahandaan at kakayahan sa depensa.
Nanawagan ang China na tanggalin ang missile launcher, na tinawag nilang “offensive weapon.” Giit ni Chinese Ministry of National Defense spokesperson Senior Colonel Zhang Xiaogang, “Ang presensya nito ay nagpapataas ng tensyon sa rehiyon at inilalagay sa panganib ang seguridad ng Pilipinas.
Pinabulaanan ito ng AFP at sinabing wala itong intensyong palawakin ang teritoryo ng bansa. Diin ni Padilla na ang ating sandatahang lakas ay para sa depensa, hindi pananakop. Ipinagtatanggol lamang nito ang teritoryo at dagat ng Pilipinas.
Dagdag niya, walang pangakong ibinigay ang AFP na aalisin ang missile system. Sa halip, ginagamit ito para sa pagsasanay ng tropa, lalo na’t may planong magkaroon ang Pilipinas ng sariling katulad na sistema.
Naunang inilipat ang missile system mula Laoag City, Ilocos Norte patungo sa isang hindi tinukoy na lokasyon. Samantala, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa siyang tanggalin ito kung ititigil ng China ang mga agresibong aksyon sa West Philippine Sea.