Naglabas ng mga larawan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapakita na armado ng patalim at palakol ang ilang tauhan ng China Coast Guard habang hinahamon ang mga sundalong Pinoy sa kanilang routine rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal noong Lunes.
Sa mga larawan na ipinakita ng AFP nitong Miuerkules, makikita ang pinsala sa mga sasakyang pandagat ng mga sundalong Pinoy na sinira ng China Coast Guard.
Una nang sinabi ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na para itong mga “pirata” sa kanilang panggigipit sa mga tropa ng mga sundalong Pinoy papunta sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Brawner, pitong sundalo ang nasaktan sa insidente, at isa pa ang naputulan ng daliri. At kahit walang sandata, lumaban daw ang mga sundalo ng Pilipinas.
Patuloy ang AFP sa pagmamatyag sa sitwasyon sa Ayungin Shoal, na isa sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea na patuloy na inaangkin ng China.