Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mahihirapan ang mga bagong banyagang terorista na makakapasok sa bansa dahil sa pinalakas na border security.
Una nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na binabantayan ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik sa bansa ng mga ISIS-inspired Filipino terrorists mula sa gitnang silangan, kasunod nang pagkatalo ng mga Maute terrorists sa Marawi.
Ayon kay Philippine Army chief of staff B/Gen. Gilbert Gapay na walang na-monitor ang militar o nakuhang report na may mga bagong foreign terrorists lalo na mga miyembro ng ISIS na nakapag-infiltrate sa bansa.
Sinabi ni Gapay, ito ay dahil sa pinalakas na seguridad hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng mga kalapit bansa na Malaysia at Indonesia.
Ayon kay Gapay lalo pang pinalakas ng AFP sa pakikipagtulungan ng PNP at Philippine Coast Guard ang pagsasagawa nito ng border security operations nang sa gayon maiwasan na may mga banyagang terorista na makapasok sa bansa
Dagdag pa ng heneral, mahigpit din ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga bansang Malaysia at Indonesia para maprotektahan ang borders ng mga nasabing bansa.
Giit nito na ang matagumpay na operasyon sa Marawi laban sa mga Maute ISIS terrorists ay malaking impact sa global threat of terror.