-- Advertisements --

Siniguro ng Armed Forces of the Philippines ang sapat na asset at mga personnel para tumugon sa nagpapatuloy na banta ng bulkang Kanlaon habang nasa kalagitnaan din ng paghahanda para sa 2025 midterm elections.

Pagtitiyak ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na may mga unit ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas para magsagawa ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) kung kakailanganin.

Kung lalo aniyang lumala ang sitwasyon sa naturang bulkan, nakahanda ang mga naturang unit, kasama na ang mga asset nito para ideploy sa mga maaapektuhang komunidad.

Ayon pa kay Padilla, naka-standby ang mga military unit na nakabase sa Visayas at nakahanda ang mga ito para sa rapid response operations anumang oras.

Ginawa ni Padilla ang pahayag kasabay ng pagbabantay din ng AFP sa 2025 midterm elections kasama ang Commission on Elections at Philippine National Police.

Kabilang sa mga pangunahing ginagampanan ng AFP sa paghahanda sa nalalapit na halalan ay ang pagsasagawa ng background check sa mga kandidato, intelligence-gathering, at pagbabantay sa seguridad.

Ayon kay Padilla, regular ang pakikipag-ugnayan ng AFP sa National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa isahan at episyenteng pagtugon kung kinakailangan.